-- Advertisements --

Nanawagan si Senator Loren Legarda ng agarang aksyon ng Kongreso para matugunan ang siksikan ng mga estudyante sa classroom ng mga pampublikong paaralan.

Ayon sa senadora, hindi lamang kalidad ng edukasyon ang naaapektuhan kundi pati ang kalagayan ng mga guro.

Bagama’t bumaba na ang national student-to-classroom ratio, sinabi ni Legarda na hindi nito naipapakita ang tunay na kalagayan ng ilang lugar na nakararanas pa rin ng matinding overcrowding.

Batay sa 2025 study ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) at Second Congressional Commission on Education, bumaba mula 39 sa 32 estudyante bawat classroom ang average ratio sa public elementary schools noong 2021.

Sa junior high school naman, bumaba ito mula 54 tungo sa 44 na estudyante bawat classroom.

Pero sa ilang paaralan sa National Capital Region, Calabarzon, Soccsksargen at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, umaabot pa rin sa mahigit 60 estudyante ang nasa isang classroom.

Ayon kay Legarda, maaaring makaapekto ang sobrang dami ng estudyante sa isang silid-aralan sa kalidad ng pagtuturo at pagkatuto, gayundin sa kapakanan ng mga guro.

Para matugunan ito, inihain ni Legarda ang Senate Bill No. 2397, o ang panukalang Public School Class Size Act.

Layunin ng panukala na magkaroon ng mas maayos na class size sa mga pampublikong paaralan at matiyak na may sapat na learning environment para sa mga estudyante at guro.

Giit ni Legarda, kailangan ang agarang legislative action upang matugunan ang problema ng overcrowded classrooms at mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa bansa.