Inimpound na ng Land Transportation Office (LTO) ang Porsche 918 Spyder na nakarehistro sa aktor na si Derek Ramsay matapos itong makitang gumagamit ng hindi awtorisadong license plate.
Ayon kay LTO Assistant Secretary Markus Lacanilao, personal niyang nakita ang luxury sports car sa EDSA na may plakang “AJV 0918.”
Nang beripikahin ng LTO, napag-alamang wala itong existing license plate sa isang Porsche sa Pilipinas.
Sa imbestigasyon, lumabas na si Ramsay ang registered owner ng sasakyan, habang si Anthony Jude “AJ” Violago (kaibigan ng aktor) ang nagmamaneho nang makita ito ng mga awtoridad.
Humaharap kahapon sa LTO sina Ramsay at Violago matapos silang makatanggap ng show-cause order.
Ipinaliwanag ni Ramsay na nasa ibang bansa siya nang mangyari ang insidente at iniwan niya ang sasakyan kay Violago habang pinag-uusapan ang posibleng pagbebenta nito.
Ayon naman kay Violago, ikinabit niya ang custom plate na may kanyang initials para gamitin ang sasakyan sa isang event. Sinabi rin niyang hindi niya alam na bawal pala ito.
Dahil hindi pa naaayos ang mga dokumento para sa paglilipat ng pagmamay-ari at hindi awtorisadong license plate, kinumpiska muna ng LTO ang driver’s license ni Violago at inimpound ang Porsche.
Mananatili ang sasakyan sa kustodiya ng LTO habang hinihintay ang pormal na pagdinig at magiging desisyon ng ahensya sa kaso.















