Posibleng masuspinde o tuluyang mabawiin ang driver’s licenses ng aktor na si Derek Ramsay at kaibigan nitong si Anthony Jude Violago dahil sa umano’y paggamit ng hindi awtorisadong plaka sa isang luxury sports car.
Ayon sa Land Transportation Office (LTO), nagsimula ang imbestigasyon matapos makita ng kanilang mga tauhan sa social media ang isang Porsche 918 Spyder na may plakang hindi tugma sa opisyal na rehistro nito.
Ang sasakyan ay nakarehistro kay Derek Ramsay.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, si Violago umano ang nagpalit ng plaka para tumugma sa kanyang initials na “AJV.”
Ginawa umano ito habang ginagamit ang luxury car papunta sa isang event.
Sinabi ng LTO na mali at ipinagbabawal ang pagpapalit o paggamit ng ibang plaka dahil binabago nito ang pagkakakilanlan ng sasakyan.
Isinuko na ni Ramsay ang Porsche na ngayon ay nasa kustodiya na ng LTO habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Isinuko rin ni Violago ang kanyang driver’s license.
Ayon sa LTO, parehong humingi ng paumanhin sina Ramsay at Violago at inamin ang kanilang pagkakamali.
May P5,000 multa para sa maling pagkakabit ng authorized motor vehicle license plate.
Gayunpaman, maaari pang humarap sa mas mabigat na parusa ang dalawa, kabilang ang 90-araw na preventive suspension at posibleng tuluyang pagsuspinde ng kanilang mga lisensya, depende sa magiging desisyon ng LTO Intelligence Division.
Inatasan sina Ramsay at Violago na humarap sa LTO sa Agosto 24 para ipaliwanag ang kanilang panig.















