-- Advertisements --

Nag-alok ang Department of Social Welfare and Development o DSWD ng psychosocial support at psychological first aid sa mga indibidwal na naapektuhan ng shooting incident sa isang paaralan sa Zamboanga City na ikinasawi ng dalawang estudyante.

Ayon sa DSWD, nakikipag-ugnayan na ang kanilang mga social worker sa Zamboanga City local government at iba pang concerned agencies upang matulungan ang mga survivor, pamilya at mga nakasaksi sa insidente na harapin ang trauma, pagdadalamhati at matinding emosyonal na pagkabalisa.

Nagpaabot din ng pakikiramay ang ahensya sa mga pamilya ng mga nasawi at sa mga survivor at witness ng pamamaril, na nagdulot umano ng matinding emosyonal na sakit sa komunidad.

Binigyang-diin ng DSWD ang epekto ng insidente sa mga bata at menor de edad, lalo’t dapat umanong nagsisilbing ligtas at maayos na lugar ang mga paaralan para sa mga mag-aaral.

Tiniyak ng ahensya na patuloy itong makikipagtulungan sa mga lokal na awtoridad upang maibigay ang kinakailangang care, protection at support sa mga apektado habang nagsisimula silang makabangon mula sa insidente.