Kailangang palakasin hindi lamang ang mga polisiya kundi maging ang implementasyon at resources para sa mental health support sa mga pampublikong paaralan.
Ito ang binigyang-diin ni Ma. Jessica Quiambao, isang guidance counselor, sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu.
Ayon kay Quiambao, mayroon nang mga polisiya ang bansa para sa comprehensive mental health services, ngunit mahalagang matiyak na naipatutupad ito nang maayos at may sapat na resources.
Kabilang dito ang pagsisimula ng Department of Education sa hiring ng school counselor associates.
Gayunman, sinabi niyang hindi dapat dito magtapos ang hakbang at kailangan ang sama-samang pagtutulungan ng school personnel at iba pang mental health professionals.
Binigyang-diin din ni Quiambao na magkakaiba ang paraan ng pagharap ng bawat bata sa isang traumatic o mabigat na karanasan.
Aniya, mahalagang maibalik sa mga bata ang kanilang sense of safety, bigyan sila ng panahon na maproseso ang nangyari sa sarili nilang pace, at tulungang mapanatili ang kanilang normal na routine.
“Hindi pare-pareho ang response ng bawat isa. I think it’s very important na maestablish, marestore sa kanila yung sense of safety. It’s important to allow them to process what happened sa sarili nilang pace,” saad pa nito.
Mahalaga rin aniya ang madaling access sa mental health support kung kinakailangan.
“We need to help them manitain yung routine na meron sila as much as possible. And i think it’s also important to have readily accessible mental health support if needed,” dagdag ni Quiambao.
Samantala, para naman kay Ferina Deramos, isang psychometrician at guidance counselor, mahalaga ang open communication sa loob ng tahanan at paaralan upang mas maagang matukoy kung may pinagdaraanan ang isang bata.
Ayon kay Deramos, hindi sapat ang simpleng pagtatanong ng “okay ka lang ba?”—kailangang magkaroon ng tunay at regular na pag-uusap kung saan nakaharap at nakikinig ang mga magulang sa kanilang mga anak.
Iminungkahi rin niya na gawing routine ang ganitong pag-uusap at muling isaalang-alang ang mga gawaing nagbibigay ng pagkakataon sa pamilya na magkasama at makapag-usap nang walang cellphone o ibang distractions.
“It’s interesting how we are easily connected through social media but we are still very much disconnected. We live in the same household and yet we did not know that our child or our parents is going through something very deep. Kailangan maging common practice [ng mga parents] yung not just asking or checking, but we really have to probe,” ayon kay Deramos.
Binigyang-diin pa ng dalawa na ang pagbuo ng ligtas na paaralan ay hindi lamang responsibilidad ng guidance counselor o ng paaralan.
Kailangan dito ang aktibong partisipasyon ng mga guro, magulang, mental health professionals at buong komunidad upang matiyak na may ligtas na espasyo ang mga bata para magsalita, mapakinggan at makahingi ng tulong.















