-- Advertisements --

Ibinunyag ni US President Donald Trump na maging siya ay nagpasuri na rin sa harap ng pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19) sa kanilang bansa.

Ayon kay Trump, inaasahan nitong pagkatapos ng 48 oras ay malalaman na nito ang resulta ng test.

Sinabi rin ng 73-year-old leader na “totally normal” naman ang kanyang temperatura na sinuri bago ito pumasok sa White House briefing room, kaya wala raw dapat na ipag-alala sa kanyang kalusugan.

Bago ito, naging usap-usapan ang kalusugan ng pangulo ng Amerika matapos ang naging interaksyon nito sa tatlong indibidwal na kalaunan ay nagpositibo sa virus.

Sa ngayon, nagsasagawa na ng temperature check ang White House sa lahat ng mga nakakasalakuha ni Trump at ni Vice President Mike Pence.

Kamakailan nang magdeklara ng national emergency si Trump para makatulong sa pagsugpo ng paglaganap ng coronavirus.

Bunsod nito, pahihintulutan ang federal government na tapikin ang $50-bilyon bilang emergency relief funds para mapabilis ang proseso ng testing sa mga mamamayan na hinihinalang dinapuan ng COVID-19. (BBC)