-- Advertisements --

Bilang pagpapatibay sa presensya ng Estados Unidos sa kalawakan ay nakatakdang dumalo si President Donald Trump sa gaganapin na astronaut launch sa Kennedy Space Center, Florida.

Ito ang kauna-unahang beses na muling gagawin ang astronaut launch simula nang matapos ang space shuttle program nooong 2011.

Ang mga pinakabagong test pilots ng NASA na sina Doug Harley at Bob Behnken ay sasakay sa SpaceX Crew Dragon capsule.

Nakatakdang mag take-off ang SpaceX Falcon 9 rocket mula launch pad 39A dakong 4:30 pm, oras sa Amerika, parehong launch pad na ginamit ng Apollo astronauts noong nagtungo ang mga ito sa buwan.

Kasalukuyan ding inaasikaso ng space agency ang muling pagpapadala ng mga astronauts sa buwan sa 2024 alinsunod na rin sa utos ng White House.

“Our destiny, beyond the Earth, is not only a matter of national identity, but a matter of national security,” saad ni Trump.

Inaasahan din ang pagdalo sa nasabing event ni Vice President Mike Pence na siya ring chairman ng National Space Council.

Lilimitahan din ng NASA ang bilang ng kanilang iimbitahan sa space center bilang pag-iingat na rin sa virus.