Nakatakdang muling magpulong sina US President Donald Trump at Ukraine President Volodymyr Zelensky sa White House ngayong Biyernes, eastern time.
Tatalakayin ng dalawa ang posibilidad ng pagbibigay ng Amerika ng hinihingi ng Ukraine na Tomahawk long-range missiles na kayang matamaan ang target ng hanggang 2,500 kilometro o 1,500 milya.
Ang nakatakdang pulong nina Trump at Zelensky ngayong araw ay isang araw matapos inanunsiyo ng US President noong Huwebes kasunod ng mahigit dalawang oras na pag-uusap nila ni Russian President Vladimir Putin sa telepono na nagkasundo silang magkita sa Hungary sa loob ng dalawang linggo subalit walang binanggit na eksaktong petsa para muling talakayin ang pagwawakas ng giyera sa Ukraine.
Matatandaan, sa unang pulong nina Putin at Trump noong Agosto para sa peace summit sa Alaska, nagtapos ito nang walang sinyales ng ceasefire kung saan nagpapatuloy pa rin ang pambobomba ng Russia sa Ukraine.
Samantala, dumating na sa Amerika si Zelensky nitong Huwebes bago pa man ang pulong nila ni Trump ngayong araw. Ito na ang ikatlong pagbisita ni Zelensky sa US simula noong Enero ng kasalukuyang taon.
Sa isang statement sa kaniyang X account, sinabi ni Zelensky na makikipagpulong muna siya sa mga kinatawan ng defense companies-producers ng malalakas na armas na kayang mapalakas pa ang kanilang depensa at pag-uusapan din anila ang karagdagang mga suplay para sa air defense system.
Kasunod nito, makikipagkita rin si Zelensky sa mga kinatawan ng American energy companies. Ito ay sa gitna ng patuloy na pag-atake ng Russia sa kanilang energy sector.
Umaasa naman ang Ukraine President na makakatulong ang momentum mula sa ceasefire sa Middle East para mawaksan na rin ang giyera ng Russia laban sa Ukraine.
Sinabi rin ni Zelensky na nagmamadali na aniya ang Russia na ipagpatuloy ang dayalogo matapos na marinig ang paghiling nila sa US ng Tomahawk missiles.