-- Advertisements --

Pormal na inanunsyo ni United States President Joe Biden ang kaniyang desisyon na tuldukan na ang pinakamahabang laban ng Amerika sa Afghanistan bago sumapit ang Setyembre 11, 2021.

Ginawa ni Biden ang naturang desisyon dahil naniniwala ito na hindi na raw prayoridad ng U.S. ngayon ang pakikipagsagupaan sa Afghanistan.

Aniya pababalikin na nito ang tropa-militar ng kanilang bansa mula Afghanistan sa buwan ng Setyembre kasabay ng ika-20 anibersaryo nang pag-atake sa World Trade Center at Pentagon na nagbunsod sa gyera sa pagitan ng dalawang bansa.

Naniniwala umano ang Democratic president na walang katumbas na oras o pera ang makakapag-resolba sa problema na una nang sinubukang ayusin ng mga nakalipas na administrasyon.

“War in Afghanistan was never meant to be a multigenerational undertaking,” ani Biden sa kaniyang talumpati mula sa White House Treaty Room kung saan inanunsyo ni dating President George W. Bush ang gyera na nagsimula noong Oktubre 2001.

“We were attacked. We went to war with clear goals. We achieved those objectives,” pagpapatuloy ni Biden. “Bin Laden is dead and al Qaeda is degraded in Afghanistan and it’s time to end the forever war.”

Isang malaking hakbang ang ginawa ni Biden kahit wala pa itong 100 araw sa kaniyang tungkulin.

Ayon dito, ilang buwan umano niyang pinag-isipan at pinag-aralan ang kaniyang desisyon. Napagtanto raw nito na hindi na kailangan pang isama sa foreign policy concerns ng Amerika ngayong taon ang pakikipaglaban sa Afghanistan na naging dahilan para mamatay ang nasa 2,300 miyembro ng U.S. troops at gumastos ng $2 trillion ang bansa para rito.

Tinatayang nasa 2,500 U.S. troops ang kabilang sa 9,600-strong Nato Afghan mission.

Nirerespeto naman daw ni Afghan President Ashraf Ghani ang desisyon ng Amerika at nakahanda raw ito na makipagtulungan sa nasabing bansa para sa maayos na transition.

Bukod dito ay nangako rin si Biden na patuloy ang pagbibigay ng U.S. government ng tulong sa Afghan defence at security forces — kabilang na ang 300,000 kawani nito.

Hindi naman nagpahuli ang pangulo ng Amerika na magbigay ng respeto sa lahat ng biktima ng 9/11 attack na nagbunsod sa pag-angkin ng U.S. sa Afghanistan.