In-activate na ng Department of Energy (DOE) ang emergency protocols nito sa mga energy sector kasunod ng paglapit ng typhoon Tino upang mapangalagaan ang suplay ng kuryente at fuel at mabawasan ang abala nito sa mga apektadong komunidad.
Ayon sa DOE, buo na ang Task Force on Energy Resiliency ng ahensya at nakikipag-ugnayan na rin sila sa National Inter-Agency Coordinating Cell upang subaybayan ang epekto ng bagyo at pabilisin ang recovery operations.
Sinabi naman ni Undersecretary Felix William Fuentebella, Chair ng Task Force na prayoridad nila ang kaligtasan at kapakanan ng komunidad.
Una rito, sinabi pa ng opisyal na nakikipag coordinate na sila sa power generators, transmission provider, distribution utilities, electric cooperatives, at fuel suppliers upang maging handa sa bagyo at sa agarang pagpapanumbalik ng serbisyo kung sakaling manalasa ang bagyo sa mga apektadong lugar.
Kasabay nito nag-preposition na rin ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ng repair crews gayundin ang pagpapanatili ng communication lines, habang nililinis ng mga electric cooperatives ang mga potensyal na maaaring maging panganib sa linya ng kuryente.
Bukod dito ready narin ang mga diesel power plants ng NPC-SPUG sa Bohol matapos ang precautionary evacuations ng lokal na pamahalaan.
Pinag-aaralan din ng DOE ang fuel supply chains, na mangunguna sa pag akses para sa emergency services at mga critical facilities.
Pinayuhan din ang mga residente na maghanda ng emergency essentials, panatilihing may charged ang mga telepono, at alamin ang hotline ng kanilang power provider.
















