Sa kabila nang urgent temporary restraining order (TRO) plea ng ABS-CBN, binigyan naman ng Supreme Court (SC) ang National Telecommunications Commission (NTC) ng 10 araw para magkomento.
Ayon sa mapagkakatiwalaang source ng Bombo Radyo Philippines sa SC, karagdagang limang araw din ang ibinigay ng Korte Suprema sa ABS-CBN para magsumite ng reply.
Maging ang Senado at Kamara ay inatasan din ng kataas-taasang hukuman na magkomento sa ABS-CBN TRO plea.
Kahapon, nagsumite rin ang ABS-CBN ng tinatawag na “urgent reiterative motion” para sa hirit na TRO.
Ayon sa kompaniya, umaabot na sa P30 million hanggang P35 million ang nawawalang kita mula sa advertising simula nang ilabas ng NTC ang cease and desist order noong May 5.
Sinabi ng ABS-CBN na kung hindi maipapatigil ang tinatawag nitong severe financial hemorrhage na nararanasan ng kumpanya, maaaring mauwi ito sa pagkawala ng trabaho ng mga manggagawa at pagbabawas ng sahod at benepisyo ng mga empleyado.
Samantala, unanimous din umano ang pasya ng SC magistrates para ibasura outright ang mosyon ng kontrobersiyal na abogadong si Atty. Larry Gadon na i-consolidate o pag-isahin na ang ABS-CBN TRO plea kasama na ang una nitong hirit sa SC para hilinging pagbawalan ang NTC na mag-isyu ng provisional authority sa ABS-CBN.