-- Advertisements --

Ikinatuwa ng mga residente ng 10 EMBO barangays ang naging kautusan ng Taguig City Regional Trial Court sa Makati City at sa mga tauhan nito na tigilan ang pagharang sa mga legal na pagmamay-ari ng Taguig sa mga pasilidad nito partikular na sa mga EMBO barangays.

Ang nabing kautusan o TRO na inilabas ng korte ay epektibo sa loob ng 72 oras.

Dahil dito ay nagbukas na rin ang lahat ng mga pampublikong pasilidad sa lahat ng EMBO barangays na malaking tulong para sa mga residente.

Kabilang sa mga matagal nang hindi napakinabangan ay mga health centers, day care centers at maging ang mga multi-purpose buildings.

Batay sa inilabas na Temporary Restraining Order (TRO) noong Mayo 5, ipinag-utos ng Regional Trial Court ng Taguig sa lokal na pamahalaan ng Makati na ihinto na ang anumang uri ng panghihimasok sa pagpasok at pamamahala ng Taguig sa mga pampublikong pasilidad sa mga barangay ng EMBO.

Pinagtibay ng kautusang ito ang desisyon ng Korte Suprema noong 2022 sa G.R. No. 235316 na nagsasabing ang Barangays Cembo, South Cembo, Comembo, East Rembo, West Rembo, Pembo (kabilang ang Rizal), Pitogo, Post Proper Northside, at Post Proper Southside ay nasasakupan ng teritoryo ng Taguig.

Kaugnay nito ay ipinagpapasalamat naman Taguig City Mayor Lani Cayetano ang naging desisyon ng korte .

Aniya, ang tanging layunin ng kanilang pamahalaang lungsod na tiyaking bukas at ganap na mapapakinabangan ng mga taga-EMBO ang mga pasilidad.