Nakatakdang lalagdaan na sa Biyernes, November 27 ang tripartite agreement para sa pagbili ng bakuna laban sa COVID-19 ng Pilipinas sa AstraZeneca ng United Kingdom (UK).
Sinabi ni National Task Force against COVID-19 chief implementer at vaccine czar Carlito Galvez Jr., ito ay para sa inisyal na pagbili na dalawang milyong doses ng bakuna.
“This coming Friday pipirma po tayo ng tripartite agreement na kung saan tayo po ay makakabili ng dalawang milyong doses ng bakuna mula sa AstraZeneca ng United Kingdom. Kasama po natin ang pribadong sektor na nagdonate nito,” ani Sec. Galvez.
Ayon kay Sec. Galvez, mura at 90 percent na epektibo ang bakunang gawa ng AstraZeneca.
Bagama’t malapit na sa katotohanan ang pagkakaroon ng bakuna sa Pilipinas, patuloy na nanawagan si Sec. Galvez sa publiko na sumunod pa rin sa health protocols laban sa COVID-19.
Maliban sa AstraZeneca, nakikipagnegosasyon na rin ang Pilipinas sa kompanyang Sinovac ng China at Pfizer ng Amerika para sa karagdagang bakuna.