CAUAYAN CITY- Biglang nagliyab at nasunog ang isang tricycle matapos na magkaroon ng gas leak sa fuel tank ng motorsiklo sa Purok 4 Barangay Buenavista, Santiago City.

Ang may-ari ng tricycle ay si Joel Pagala, 43 anyos, may asawa at residente ng Barangay Cebu, San Isidro, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Chief Insp. Conrad Ian Casayuran, City Fire Marshall ng BFP Santiago City, sinabi niya na agad nagtungo sa lugar ang kanilang fire truck para apulahin ang apoy.

Lumabas anya sa kanilang pagsisiyasat na nagkaroon ng gas leak ang fuel tank ng motorsiklo sanhi para magliyab.

Nagkaroon anya ng pagkukulang ang may-ari ng tricycle dahil hindi nito napansin na nagkaroon ng gas leak ang fuel tank ng motorsiklo.

-- Advertisement --

Pinayuhan niya ang mga motorista na ugaliing tignan at tiyaking nasa tamang kondisyon ang mga sasakyan bago ibiyahe.

Wala namang nasaktan sa nasabing pangyayari at inaalam pa ang kabuoang halaga ng napinsala.