CENTRAL MINDANAO-Patay on the spot ang isang tricycle driver sa pamamaril sa Kidapawan City.

Nakilala ang biktima na si Mendo Pantaleon, 41 anyos,may asawa at residente ng Barangay Kalunasan M’lang Cotabato.

Ayon kay Kidapawan Chief of Police Lieutenant Colonel Ramel Hojilla na habang nagmamaneho ang biktima sa kanyang tricycle sa bahagi ng Purok 4 Barangay Kalaisan Kidapawan City ay bigla itong dinikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre.45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo patungo sa direksyon ng Mlang Cotabato.

Tinamaan sa ulo,dibdib at likod ang biktima kaya agad itong binawian ng buhay.

Nagtamo naman ng minor injuries ang dalawang babaeng pasahero nito nang tumilapon sa gilid ng kalsada ang tricycle.

Hustisya ngayon ang sigaw ng pamilya dahil mabait naman ang biktima at walang atraso.

Personal alitan ang natatanaw ng mga otoridad sa pamamaril patay sa biktima na patuloy nilang iniimbestigahan.