Naghain ng kanilang unang panukalang batas sa House of Representatives ngayong araw ang Isang all-female trio ng mga human rights champions mula sa Liberal Party, na kilala bilang “L.P. Tres Marias.”
Ang panukalang batas ay nakatuon sa karapatan sa kalusugan at pangunahing inakda nina Reps. Cielo Krisel B. Lagman mula sa Unang Distrito ng Albay, Kaka Bag-ao ng Lone District ng Dinagat Islands, at Leila M. De Lima ng Mamamayang Liberal Partylist.
Layunin ng panukala na mapabuti ang kalagayan ng nutrisyon sa buong bansa sa pamamagitan ng pagbabawas sa konsumo ng mga inuming may asukal (sweetened beverages o SB) at pagliit ng kaso ng labis na katabaan at mga kaugnay na non-communicable diseases.
Inaamyendahan ng panukalang batas ang R.A. 10963 o ang Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Sa ganitong paraan, nilalayon nitong pagbutihin ang umiiral na SB tax policy sa pamamagitan ng pag-update ng tax rate, pagpapalawak ng saklaw ng buwis sa mga produktong dati ay exempted, at pagpapahusay ng mga mahahalagang aspeto tulad ng taunang indexation at mas epektibong paglalaan ng kita mula sa buwis para sa kalusugan at nutrisyon ng mga Pilipino.
Isang malaking bahagi ng kita mula sa SB tax ang ilalaan para sa mga programang tumutugon sa malnutrisyon, kabilang ang access sa malinis na tubig, sanitasyon, at kalinisan.
Ayon kay Rep. Bag-ao, ang asukal ay tunay na panganib sa buhay ng tao.
Dagdag ni Rep. De Lima, hindi lamang ang mga indibidwal at pamilya ang naaapektuhan ng masamang epekto ng mga inuming may asukal, kundi pati ang ekonomiya ng bansa.
Pinunto ni Rep. Lagman na ang panukalang batas ay isang win-win reform.
Iginiit ng mga mambabatas ng L.P. Tres Marias na ang kalusugan ay hindi gastos kundi isang pamumuhunan.