Kontento si Philippine National Police officer-in-charge (PNP-OIC) Lt. Gen. Archie Gamboa sa takbo at latag ng seguridad na ipinapatupad ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa traslacion ngayong taon.
Kasabay nito ay nanawagan pa ang PNP sa mga deboto na maging kalmado, sumunod sa security measure at huwag manakit ng mga pulis na nagbibigay seguridad lalo na sa mga security detail ng andas.
Ayon kay PNP Sspokesperson B/Gen. Bernard Banac, nakarating sa kanila na sinasaktan ng ilang deboto ang ilang pulis.
Nauunawaan naman daw nila na maaaring may mga deboto na “frustrated” na hindi nila magawa ang nakagawiang pagpapakita ng kanilang debosyon dahil sa matinding seguridad.
Normal lang aniya na mayroong “resistance” o pagtutol sa anumang bagong patakaran, pero ang mga pagbabago sa traslasyon 2020 ay matagal nang ipinabatid sa mga mamamayan sa pamamagitan ng media.
Sa kabila nito, ipinaabot ng PNP OIC ang kaniyang papuri sa mga pulis ng NCRPO sa pamumuno ni Pol. B/Gen. Debold Sinas dahil sa kanilang ipinakitang “restraint” sa crowd control.
Bilin din si Banac sa pulisya na patuloy na mag-exercise ng “maximum tolerance” hanggang sa matapos ang traslacion.