-- Advertisements --

Kasalukuyan nanag sumasailalim sa beripikasyon ang umano’y pangangaladkad ng isang pulis mula sa Quezon City Police District (QCPD) sa isang transgender na siyang umano’y umaawat lamang sa naging sigalot sa rally sa harap ng House of Representatives.

Sa naging pagtatanong ng Bombo Radyo Philippines kay QCPD Officer-in-Charge PCol. Randy Glenn Silvio, kinumpirma nito na kung mapatunayan na mula sa kanilang tropa ang nanakit sa naturang raliyista ay posible aniya itong humarap sa kasong administratibo.

Aniya, mabuti na ring mag-reklamo ang nasaktan sa pangyayari upang mapanagot sa batas ang sangkot na pulis.

Bagamat hindi pa kinukumpirma ng QCPD na mula sa kanilang hanay ang pulis na nakuhanan ng larawan ay tiniyak naman ni Silvio na kakausapin niya agad ang District Intelligence Division Chief ng QCPD para kilalanin at iberipika ang pagkakakakilanlan nito.

Samantala, siniguro rin ni Silvio na magkakasa agad ng imbestigasyon ang QCPD upang matukoy at makapagsampa ng kaso kaugnay sa natamo nitong physical injuries ng biktima.