GENERAL SANTOS CITY – Kinumpirma ni Sen. Manny Pacquiao na naghahanda na ito para sparring session kasama si Coach Buboy Fernandez.

Ito’y kahit mahigit dalawang buwan pa ang laban nito kay Errol Spence Jr.

“Hard work and discipline” aniya ang sentro ng kanyang pagsasanay at katunayan sa kanyang pagtaya, nasa 40 hanggang 50 porsiyento na ang kanyang training.

Ayon sa Pinoy ring icon, pinagtutunan sa training ang strategy, foot works at pagpapatibay ng stamina bagama’t importante rin na malaman ang target na estilo ni Spence.

Una nang binago ng Team Pacquiao ang routine ni Pacman upang hindi manibago sa Amerika kasabay sa paghigpit ng pagpapasok ng audience sa Wild Card Gym para makaiwas sa Coronavirus Disease.

Itinakda ang faceoff ng fighting senator kay Spence sa darating na Agosto 21 o Agosto 22 na sa Pilipinas.