-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Balak ng provincial government na bigyang prayoridad ang mga tourism workers sa Isla ng Boracay sakaling dumating na ang bakuna kontra COVID-19.

Ipinaliwanag ni Aklan Governor Florencio Miraflores dahil nakadepende ang kabuhayan ng lalawigan sa industriya ng turismo kaya kailangang masigurong malusog ang mga nagtatrabaho dito.

Mahalaga aniya na magkaroon ng full vaccination program sa isla upang masigurong ligtas ang mga bisita at manggagawa sa oras na tuluyan nang mabuksan ang isla sa mga dayuhang turista.

Kasama rin sa kanilang prayoridad na mabigyan ng bakuna ang 70 porsiyento ng populasyon ng lalawigan o 420,000 na residente kabilang na ang mga health care at medical workers, mahihirap na pamilya, mga senior citizens, miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program at mga uniformed personnel.

Kaugnay nito, sinabi ni Governor Miraflores na nakipagkasundo na sila sa pharmaceutical company na AstraZeneca para sa pagbili ng bakuna.

Nasa P200 million ang inilaang pondo para sa mass vaccination na uutangin mula sa banko.