Duda umano ang PNP kaugnay sa totoong pagkakakilanlan ng nagpakilalang tunay na “Bikoy” na si Peter Joemel Advincula na nasa likod nang tinaguriang “Ang Totoong Narcolist” videos.
Matatandaang isinasangkot ni alyas Bikoy ang pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte at maging ang mga kaalyado nitong indibidwal sa usapin ng iligal na droga.
Pero nilinaw naman ni PNP chief Gen. Oscar Albayalde na hindi naman nila isinasawalang bahala ang paglantad ng nagpakilalang si Bikoy.
Ayon kay Albayalde, kailangan nilang i-validate muna at makumpirma na siya ang “Bikoy” na lumabas sa serye ng mga videos.
Aminado naman ang heneral na agad silang nagsagawa ng profiling o background check sa nagpakilalang si Bikoy na si Advincula.
“We conducted profiling on this Advincula. Lumalabas itong tao na ito he was convicted for large scale illegal recruitment and he served for 6 years. Actually 10 years kung hindi ako magkamali yung sentence but it was shortened because of good behavior and as of this time as per verification he also have a standing case of estafa na pending sa NBI. Ito yung tinitingnan natin. Ito so far ang nakuha natin,” pahayag ni Albayalde.
Dagdag pa ni Albayalde na si Advincula ay dating seminarian at posible niya itong ginamit para makapanlinlang ng mga tao.
Iniimbestigahan na rin ng PNP kung sangkot si Advincula sa illegal drug trade.
Lumantad si Advincula ilang araw matapos mahuli ang video uploader na si Rodel Jayme.
Nakahanda naman ang PNP na bigyan ng seguridad si Advincula kung ito ay lalapit sa PNP.