GUINDULAMN, BOHOL – Inilipat na sa Provincial Personnel Holding and Accounting Section at tinanggalan ng inisyung shot at long firearms ang isang tauhan ng pulisya sa Bohol na umano’y sangkot sa panghaharass ng isang American national at Pinay na asawa nito.
Base sa imbestigasyon, nangyari ang insidente noong Lunes ng hapon, Agosto 11, sa bayan ng Guindulman Bohol kung saan habang nagmamaneho ng motorsiklo ang 41 anyos na American national kasama ang 25 anyos na asawa nito, nadaanan nilang nagsagawa ng Oplan Sita ang akusadong pulis.
Pinahinto pa umano sila dahil wala silang suot na helmet at matapos ang ilang sagutan, tinanggalan pa ng susi ang kanilang motorsiklo at pinagmumura sila habang hawak ang armas.
Idinagdag pa ng mga ito na itinulak at hinampas ng pulis ang biktimang dayuhan at nagbanta na gagamitin ang armas laban sa kanyang asawa at limang buwang sanggol.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PLtCol. Norman Nuez, inihayag nito na inihahanda na ang mga dokumento para pormal na sampahan ng kasong Grave Threats ang suspek na pulis.
Sinabi pa ni Nuez na agad ding pinag-utos ang masusing imbestigasyon ukol sa insidente upang matukoy kung may basehan ang kasong administratibo laban sa akusado.
Binigyang-diin pa nito na ang PNP ay seryoso sa pagtupad ng kanilang tungkulin bilang tagapangalaga ng batas at tagapagtanggol ng karapatan ng mamamayan.
Mahigpit namang pinaalalahanan ang mga kapulisan na laging isaisip ang karapatang pantao sa kanilang mga operasyon.