-- Advertisements --

Sa unang pagkakataon ngayong season, nagawa ng top NBA team na Oklahoma City Thunder na talunin ang karibal na San Antonio Spurs.

Matatandaang nakuha ng Spurs ang panalo sa unang tatlong laban kontra OKC, ngunit sa ikaapat na pagkikita nila ng defending champion ay nanaig ang Thunder, 119-98.

NBA Finals MVP Shai Gilgeous-Alexander ang nanguna sa panalo matapos makapagtala ng 11 field goals. Sa kabuuan, umabot siya sa 34 points, kabilang ang 11 free throws.

Nag-ambag naman ng 20 points at dalawang steal ang ikalawang scorer ng koponan na si Jalen Williams.

Sa panig ng Spurs, nalimitahan lamang sa 17 points ang bigman na si Victor Wembanyama at hindi naipakita ang kanyang karaniwang two-way play.

Nasayang din ang impresibong performance ng guard na si Stephon Castle na kumamada ng 20 points, pitong rebounds, walong assists, at isang steal.

Ang dalawang magkaribal na koponan ang nangunguna ngayon sa Western Conference, kung saan hawak ng Thunder ang 34 na panalo habang umabot na sa 27 wins ang Spurs.