Pinaiimbestigahan ni Senate Majority Leader Francis Tolentino sa Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones, na kanya ring pinamumunuan ang ilegal na okupasyon ng China Coast Guard sa Sandy Cay na bahagi ng spratly island.
Sa inihaing Senate Resolution No. 1347 ni Tolentino, kinondena ng senador ang ilegal na panghihimasok ng China sa karagatan ng bansa at pag-okupa sa Pag-asa Cay 2 o Sandy Cay na teritoryong sakop ng soberanya ng bansa.
Inatasan ng resolusyon ang kanyang komite na silipin ang naturang isyu upang higit pang mapalakas ang pangangalaga sa ating soberanya, sovereign rights, at hurisdiksiyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Noong kalagitnaan ng Abril, labag sa batas na nanghimasok ang mga sasakyang-dagat at mga tauhan ng China Coast Guard sa Pag-asa Cay 2 at sa mga karagatang nakapaligid dito — at itinaas ang bandila ng China.
Ang pag-asa Cay 2, kasama ang apat pang ibang cays, ay matatagpuan sa loob ng 12 nautical miles mula sa isla ng Pag-asa, na itinuturing na bahagi ng karagatang saklaw ng teritoryo ng Pilipinas — alinsunod sa Philippine Maritime Zones Act, UNCLOS, at 2016 Arbitral Award.
Malinaw aniya na paglabag ito sa Konstitusyon ng Pilipinas, international law, at insulto sa ating soberanya.
Bukod dito, ang patuloy aniyang nakagagalit na mga aktibidad ng China sa West Philippine Sea at pagsasawalang-bahala sa international law ay banta sa kapayaan at katatagan sa rehiyon.
Hinimok naman ni Tolentino ang Department of Foreign Affairs, Department of Justice, at ibang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan, na magsagawa ng nararapat na hakbang — legal, diplomatic, at operational upang maprotektahan at madepensahan ang ating karapatan partikular sa West Philippine Sea.