Nilinaw ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) na person of interest lamang at hindi under arrest ang TikTok user na boluntaryong sumuko matapos madawit ang pangalan sa video post sa planong pagpatay kay presidential bet at dating Sen. Bongbong Marcos.
Ayon kay NBI OIC Director Eric Distor, kahapon nang kusang sumuko si Ruel “Bong” Ricafort sa NBI-Anti Organized and Transnational Crime Division (NBI-AOTCD) para linisin ang kanyang pangalan sa naturang isyu.
Sinabi ni Ricafort na ginamit lamang daw ang kanyang account para i-post ang naturang video.
Kaya naman nais daw mismo nitong malaman kung sino ang nasa likod ng pag-upload sa video na nagbabanta sa dating senador na ito ay papatayin.
Iginiit nitong nasisira ang kanyang reputasyon dahil sa paglabas ng naturang video.
Sa ngayon, iimbestigahan muna ng NBI kung may kinalaman ang ang sumukong indibidwal bago ito sampahan nang kaukulang kaso.
Kanina ay kinumpirma naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na sumuko kahapon sa NBI ang nasabing personalidad.