-- Advertisements --

Itinuturong isa sa dahilan ng Department of Agriculture (DA) sa paglala pa ng pinsala sa sektor ng agrikultura sa bansa tuwing may tumatamang kalamidad ang hindi epektibo na ilang flood control projects.

Ayon kay Agriculture spokesperson ASec. Arnel de Mesa, kung epektibo lamang ang flood control projects ay mas kakaunti ang pinsala sa sektor ng agrikultura.

Iniulat ng opisyal na pumapalo sa 500,000 hanggang 600,000 metrikong tonelada ang natatamong danyos sa agrikultura kada taon dahil sa matitinding pagbaha, na karamihang nasasalanta ay ang mga palay.

Paliwanag ni Asec. de Mesa na kung madali lamang humupa ang mga baha, mabilis lang din sana ang pag-rekober ng palay dahil pinapatubigan naman talaga ito subalit hindi nito kakayanin kung matagal na nakababad sa tubig-baha.

Maliban pa sa palay at crops, sinabi din ng DA official na maaaring humantong ang mga pagbaha sa pagkamatay ng livestocks at pinsala sa mga pasilidad para sa irigasyon at agricultural infrastructure.

Matatandaan, noong Hulyo, iniulat ng DA na papalo sa P3.53 billion ang pinagsamang halaga ng pinsala sa pananalasa ng magkakasunod na bagyong Crising, Dante at Emong at hanging habagat.

Kaugnay nito, sa halip aniya na pondohan ang flood control projects na napatunayan ng hindi epektibo, maigi aniyang gamitin na lamang ang mga pondo para sa irrigation facilities na magbebenepisyo sa mga magsasaka at sa output ng agrikultura sa bansa.

Sa pamamagitan aniya ng dagdag na pondo para sa irrigation projects, makakatulong ito para makapagpatayo ang DA at National Irrigation Administration (NIA) ng mas maraming drainage at water impounding projects gaya ng mga dam, na magiimbak ng mga tubig-baha at gagamitin para sa irigasyon.