Itinutulak ni Navotas City Rep. Toby Tiangco ang pagpapatibay sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) upang mas epektibong labanan ang malakihang korapsyon sa mga proyekto ng imprastraktura.
Sa ilalim ng kanyang House Bill No. 5699, nais ni Tiangco na gawing Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICAIC) ang ICI, na magkakaroon ng kapangyarihang maglabas ng subpoena, mag-contempt sa mga tumatangging sumunod, at mag-freeze ng assets ng mga pinaghihinalaang sangkot sa katiwalian.
Ayon kay Tiangco, layunin ng panukala na punan ang kakulangan ng kasalukuyang ICI, na hindi makapagparusa o makapagpatigil sa mga kahina-hinalang transaksyon habang iniimbestigahan.
Nilinaw niya na hindi ito pamalit sa DOJ o Office of the Ombudsman, kundi suporta upang mapabilis ang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso sa mga sangkot sa malawakang katiwalian sa imprastraktura at flood-control projects.
Balak ni Tiangco na aprubahan ng Kamara ang panukala bago ang Christmas break, bilang hakbang tungo sa mas mahigpit na pananagutan at transparency sa paggamit ng pondo ng bayan.
Samantala, pinuri ni Tiangco ang pamunuan ng House of Representatives, sa pangunguna ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III, sa pagsuporta sa panukalang palakasin ang Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICAIC) upang labanan ang katiwalian sa mga proyektong pampubliko.
Ayon kay Tiangco, malaking hakbang ang direktiba ni Speaker Dy sa House Committee on Government Reorganization na pinamumunuan ni Bulacan Rep. Salvador Pleyto na madaliin ang pag-apruba ng panukala at isumite ito sa plenaryo ngayong Nobyembre.
Sa ilalim ng House Bill No. 5699, layunin ng ICAIC na magkaroon ng malawak na kapangyarihang mag-imbestiga sa mga malakihang anomalya sa infrastructure at flood-control projects, katuwang ang DOJ, Ombudsman, at COA sa pagsasampa ng mga kaso laban sa mga tiwaling opisyal.
Iginiit ni Tiangco na hindi ito simbolikong “regalo” kundi tunay na reporma upang ipakita na seryoso ang pamahalaan sa paglaban sa katiwalian at sa pagtataguyod ng transparency at pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan.
















