Ipinalasap ng Oklahoma City Thunder ang 43 points na pagkatalo sa Denver Nuggets, at itinabla ang serye sa 1-1.
Mistulang naghiganti ang OKC mula sa pagkakapahiya nito sa sariling homecourt sa Game 1 at labis na dinumina ang ikalawang laban kontra sa 2023 NBA champion.
Sa pagtatapos pa lamang ng unang quarter, hawak na ng Thunder ang 31 points na kalamangan, 87 – 56. Gumawa rin ang Thunder ng NBA Playoff record sa 87 points na naipasok nito bilang pinakamataas na team score sa single half.
Sinundan pa ito ng Thunder sa 3rd quarter at tinambakan ang Nuggets ng 48 points sa pagtatapos ng naturang quarter, 124-76.
Hindi na rin pinaglaro ang mga starter ng Thunder sa huling bahagi ng laban at pawang ang mga bench player na lamang ang ipinasok upang tapusin ang ikalawang game.
Nanguna sa panalo ng Thunder ang guard na si Shai Gilgeous-Alexander na kumamada ng 34 points at walong rebounds. Walong player din ng koponan ang gumawa ng double-digit score sa kabuuan ng laban.
Sa pagkatalo ng Nuggets, tanging 17 points, walong rebounds at anim na assists ang nagawa ng 3-time NBA MVP na si Nikola Jokic habang 14 points ang naging kontribusyon ng guard na si Jamal Murray.
Pinilit pa ng dalawang Denver star na bumawi sa 2nd half ng laban ngunit hindi na rin nagpabaya ang OKC.
Samantala, gaganapin na sa homecourt ng Nuggets ang Game 3 at Game 4 habang babalik sa homecourt ng Thunder ang Game 5.