Kinumpirma ni House impeachment prosecutor at Bicol Saro Rep. Terry Ridon na ang unang ihaharap ng prosecution panel sa Senado ay ang articles of impeachment kaugnay sa umano’y pagbabanta ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Ridon, pangungunahan ni Senior Deputy Majority Leader Lorenz Defensor ang presentasyon ng unang artikulo. Susundan ito ng mga usapin sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman, paggamit ng mahigit P612 milyong confidential funds, at umano’y bribery allegations sa Department of Education (DepEd).
Iginiit ni Ridon na nakaayos ang pagkakasunod ng presentasyon batay sa lakas ng ebidensya at pagiging madaling mapatunayan ng mga alegasyon. Aniya, kumpiyansa ang prosecution panel na sapat ang mga ito upang makakuha ng kinakailangang boto para sa conviction.
Isa sa mga basehan ng impeachment complaint ang naging pahayag ni Duterte noong Nobyembre 2024 kung saan sinabi niyang may inutusan siyang tao na patayin sina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling may mangyari sa kanya. (Report by Bombo Jai)
















