Nagsagawa ng Thermite welding ang pamunuann ng MRT-3 sa mga riles, tuwing non-revenue hours, ito ay bilang bahagi ng malawakang rehabilitasyon sa nasabing linya.
Ayon sa MRT-3, winewelding ang mga bahagi ng riles gaya ng crossovers at turnouts upang pagkabitin ang mga ito.
Mahalaga ang nasabing aktibidad upang hindi maging matagtag ang takbo ng mga tren at upang maiwasan ang mga aberya.
Sa kabilang dako, bumisita at nagmasid sa ginagawang overhauling ng mga tren ang ilang Czech dignitaries sa MRT-3 depot kamakailan na kinabibilangan nina Czech Republic Economic and Trade Counsellor Mr. Maroš Martin Guoth at Mr. Dalibor Mička, Chargé d’affaires.
Kasalukuyang isinasagawa kasi ang ilang tests sa mga naoverhaul na tren ng Czech company na SKD Trade.
Ang mga CKD light rail vehicles (LRVs) o bagon ng MRT-3 ay nanggaling sa bansang Czech Republic.
Ang isinasagawang overhauling ay bahagi ng malawakang rehabilitasyon ng MRT-3.
Nasa kabuuang 27 bagon na ang naideploy ng pamunuan ng MRT-3 at kasalukuyang tumatakbo sa main line bunga ng overhauling.