-- Advertisements --

Sa kabila ng ilang linggo pa lamang na pagsisimula ng tag-ulan, malapit nang maabot ng dalawang pinakamalalaking dam sa Pilipinas ang Normal High Water Level (NHWL) ng mga ito.

Batay sa report na inilabas ng Hydrology Division ng state weather bureau ngayong araw (June 28), mahigit dalawang metro na lamang at maaabot na ng Ambuklao at Binga Dam ang kani-kanilang NHWL.

Muli kasing umangat ng halos kalahating metro ang dalawang dam sa nakalipas na 24 oras, sa gitna na rin ng malawakang pag-ulan sa mga watershed area ng mga ito.

Sa kasalukuyan, umaabot na sa 750.99 meters ang lebel ng tubig sa Ambuklao. Ito ay mahigit dalawang metro na lamang bago tuluyang maabot ang 752 meters na NHWL.

Sa Binga Dam, kasalukuyang nasa 572.94 ang antas ng tubig nito, o mahigit dalawang metro lamang bago maabot ang 575 NHWL.

Bukod sa pagiging pinakamalalaking dam sa buong bansa, may pinakamalalim na water level din ang Ambuklao at Binga. Kapwa nasa Cordillera Administrative Region ang mga ito.

Samantala, maliban sa Ambuklao at Binga ay nakapagrehistro rin ng pag-angat ng antas ng tubig ang Magat Dam sa nakalipas na 24 oras. Umabot sa 47 cm o halos kalahating metro ang ini-angat ng lebel ng tubig sa naturang dam, dahil sa mga serye ng pag-ulan sa Cordillera at Cagayan Valley na pangunahing pinagmumulan ng tubig nito.