Iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go na hindi makatarungang ipapasa sa mga consumer ang bayarin sa system loss, kung saan ang isang pamilyang nagbabayad ng P4,000 kada buwan sa kuryente ay nawawalan agad ng humigit-kumulang P200 buwan-buwan para sa enerhiyang hindi naman nila pakikinabangan.
Binigyang-diin ng senador na ang kawalan ng kuryente dulot ng pilferage o nakaw na kuryente ay responsibilidad ng mga distribution utility na pigilan, at hindi ng mga tapat na mamamayang regular na nagbabayad ng kanilang billing statement.
Ayon pa kay Go, marami sa mga kababayan ang walang kaalam-alam na nakapaloob sa kanilang buwanang bill ang charge para sa system loss, na tinawag niyang isang napaka-unfair na patakaran lalo na sa gitna ng pagpapasakit ng mataas na bilihin.
Inilutang ng mambabatas na ang naturang suliranin ay dapat solusyunan ng mga kumpanya ng kuryente sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kanilang seguridad at operasyon laban sa mga illegal connection imbes na iasa ang lugi sa taumbayan.
Nangako ang senador na isusulong ang kaukulang pagrepaso sa mga umiiral na patakaran upang matiyak na ang bawat piso at sentimong pinaghihirapan ng mga consumer ay mapupunta lamang sa totoong kuryenteng kanilang nagamit.










