Patuloy ang pagpapakawala ng tubig mula sa dalawang pangunahing dam sa Benguet sa gitna ng mga pag-ulang pinalalakas ng hanging habagat na nakaapekto sa Luzon.
Base sa flood forecasting and warning system for dam operation ng state weather bureau nitong alas-otso ng umaga ng Lunes, Agosto 10, pito mula sa walong spillway gates ang bukas sa Ambuklao Dam, kung saan nasa 467.43 cubic meters per second (cms) ang pinakawalan nitong tubig.
Bunsod nito, umabot na sa 751.71 meters ang antas ng tubig sa naturang dam, malapit na sa Normal High Water Level na 752 metro.
Sa Binga Dam naman, nananatiling bukas ang lahat ng anim na gates nito sa apat na metro. Nagpakawala ito ng 522.56 cms ng tubig.
Sa ngayon, nasa 574.44 metro ang lebel ng tubig sa naturang dam, malapit sa Normal High Water Level nito na 575 meters.
Kaugnay nito, inaabisuhan ng weather bureau ang mga residente at concerned local disaster risk reduction and management councils na magsagawa ng kaukulang aksiyon kaugnay ng posibleng epekto ng pagpapakawala ng tubig mula sa nasabing mga dam sa probinsiya.















