Inakusahan ng Cambodia ang Thailand na patuloy sa pagpapabagsak ng bomba sa kanilang teritoryo ilang oras matapos ianunsiyo ni US President Donald Trump na nagkasundo ang dalawa sa ceasefire o pagtigil ng labanan.
Sa isang post sa X, sinabi ng Cambodian defense ministry na gumamit ang Thai military ngayong araw, Disyembre 13 ng dalawang F-16 fighter jets para magbagsak ng pitong bomba sa kanilang targets at hindi tumitigil sa pambobomba ang Thai military aircraft.
Ito ay sa kabila pa ng nauna ng anunsiyo ni Trump nitong Biyernes na nagkasundo na ang Thailand at Cambodia na bumalik sa orihinal na Peace deal at itigil ang labanan sa kanilang borders, na kumitil na ng nasa 20 katao ngayong linggo lamang.
Sa isang post din ngayong Sabado online (FB), iginiit ni Cambodian Prime Minister Hun Manet na laging tumatalima ang kanilang bansa sa mapayapang paraan para maresolba ang salungatan.
Inirekomenda pa aniya sa Amerika at Malaysia, bilang chair ng ASEAN, na gamitin ang kanilang information gathering capabilities para beripikahin kung sino ang unang umatake noong Disyembre 7.
Matatandaan, muling sumiklab ang labanan sa pagitan ng dalawang Southeast Asian countries ngayong Disyembre dahil sa pagpapasabog umano ng Cambodia ng landmine sa border ng Thailand na ikinasawi ng isa nilang sundalo at ikinasugat ng 7 iba pa, bagay na itinanggi naman ng panig ng Cambodia.
















