-- Advertisements --

Umabot sa kabuuang halaga na ₱10.6 milyon ang ipinamahagi ng Philippine National Police (PNP) bilang cash reward sa 30 indibidwal na nagsilbing impormante para sa pagkakadakip ng mga wanted person.

Ang pamamahagi ng mga nasabing pabuya ay isinagawa sa isang Handover of Monetary Reward ceremony na ginanap sa Camp Crame,.

Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan mismo ni Acting PNP Chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez, Jr., kasama ang iba pang matataas na opisyal ng Pambansang Pulisya.

Ang mga impormanteng tumanggap ng cash reward ay nagsipagtago sa likod ng full-face mask upang protektahan ang kanilang pagkakakilanlan at seguridad.

Sila ay nagmula sa iba’t ibang lalawigan sa buong bansa, kabilang na ang Cotabato, General Santos City, at iba pang mga lugar sa rehiyon ng Mindanao.

Kabilang sa mga impormante, isa ang nakatanggap ng pinakamalaking cash reward na umabot sa ₱5.3 milyon.

Ayon kay PNP Director for Intelligence Police Major General Wilson Lopez, ang pondong ginamit para sa pamamahagi ng cash reward ay nagmula sa intelligence fund ng ahensya.