Todo depensa ngayon ang mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na una nang pinangalanan noong nakaraang hearing ng whistleblower na si Immigration Officer Allison Chiong.

Sa hearing na ito kasi nakasalalay ang kapalaran ng BI officials kung irerekomenda silang kasuhan ng Senate committee on women, children, family relations, and gender equality.

Habang ang mga dating opisyal ay posible ring abutin ng kaso dahil sa bigat ng mga paglabag sa batas na natuklasan.

Nagkaroon pa ng faceoff ang testigo at mga inaakusahan niyang opisyal ng BI.

Sa pagtatanong ni committee chairperson Sen. Risa Hontiveros, inusisa nito si dating Bureau of Immigration Deputy Commissioner Marc Red Mariñas ukol sa mga ginawa nitong hakbang laban sa pastillas scheme.

Pero iginiit nitong wala siyang alam ukol sa naturang isyu.

Gayunman aminado siya na marami talagang katiwalian sa tanggapan ng BI.