Panahon na para bumili ng mga makabagong kagamitan ang bansa lalo ang F16 fighter jets at submarines upang mapalakas pa ang kapabilidad ng depensa ng Pilipinas sa pinagaagawang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS) .
Ito’y sa gitna na rin ng “laser attack” ng China laban sa barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na pansamantalang ikinabulag ng mga crew nito.
Nagsasagawa ng patrulya ang barko ng Philippine Coast Guard sa West Philippine Sea ng mangyari ang insidente.
Ayon kay House Committee on Ways and Means Chair at Albay 2nd District Representative Joey Salceda, para maisakatuparan ito, dapat ng amyendahan ang Official Development Assistance (ODA) Law upang matiyak na magkakaroon ng tinagurian nitong ‘top –of-the –line air equiptment at naval capabilities ang hukbong sandatahan.
Ang House tax panel na pinamumunuan ni Salceda ang pangunahing humihimay sa sources ng mapagkukunan ng pondo kaya ipriprisinta nito ang amyenda sa ODA Law upang matiyak na may sapat na kapabilidad sa depensa ang bansa.
“Let’s build our defenses so that countries that have their eyes on the West Philippine Sea don’t feel like they can push us around so easily,” pahayag ni Salceda.
Binigyang diin ng economist solon na hindi dapat ideklarang hanggang sa diplomasya na lamang ang opsiyon ng Pilipinas laban sa China.
“No one wants war, but defenders don’t decide that. Aggressors decide whether they want war. And defenders have to be ready,”wika ni Salceda.
Paliwanag pa ni Salceda na sa ilalim ng kasalukuyang ODA Law, may restriksiyon sa probisyon nito na nagkakaloob ng 40 % sa kabuuang ODA loans at tinatayang nasa 25 % sa bawat loans o pautang.
Ang iba pang limitasyon ay kinabibilangan naman ng kakulangan ng probisyon sa pribadong sektor na magpartisipa sa financing, public bidding na nagiging sagabal sa pagkuha ng loan tulad sa kagamitang pangdepensa na may isa lamang supplier.
“That hinders us from acquiring, say, French submarines although France has already signalled its intent to make loans for these available,” ani Salceda.
Dagdag pa ng mambabatas na ang Pilipinas ay na-clear na makabili ng F16 fighter jets mula sa Estados Unidos noong 2021 at kailangan ring makabili ng Harpoon missiles ang bansa.
“ODAs remain the cheapest way to borrow. They are still deeply concessional. The capital markets do not give you a grant component. And certainly, they do not come with technical capabilities and knowledge-sharing,” pahayag ni Rep. Salceda.