-- Advertisements --

Hiniling ng prosecutor ng International Criminal Court (ICC) sa Pre-Trial Chamber I ng korte na ibasura ang apela ng defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban ang ruling o desisyon sa kaniyang interim release o pansamantalang paglaya.

Ikinatwiran ni Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang na ang defence team mismo ang pumili kung kalian nila ihahain ang aplikasyon para sa agarang interim release ng dating Pangulo kahit na hindi kumpleto ang isinumiteng redacted submission ng defense. Kayat hindi dapat aniya payagan na suspendihin ang pag-isyu ng desisyon para sa pagtatangkang mapunan o matugunan ang submission ng defense.

Matatatandaan kasi na nauna ng hiniling ng legal team ng dating Pangulo na ipagpaliban ang desisyon sa kanilang hiling na interim release hanggang sa makumpleto aniya ng defense ang lahat ng kinakailangang impormasyon.

Una na ngang umapela ang counsel ni dating Pang. Duterte para sa kaniyang interim release sa isang hindi pinangalanang bansa na nagpahayag na aniya ng “advance at principled agreement” para tanggapin siya.

Isa sa mga dahilang tinukoy para pagbigyan ang interim release ng dating pangulo ay ang kaniyang humihinang kalusugan at katandaan na rin habang nagaantay sa confirmation hearing ng inaakusang crimes against humanity laban sa kaniya may kaugnayan sa mga pagpatay umano sa ilalim ng war on drugs sa Setyembre 23 sa The Hague Netherlands.