-- Advertisements --

Magsasagawa ng isang komprehensibong rapid damage assessment at needs analysis simula ngayong araw, Oktubre 7 hanggang Oktubre 10, ang tatlong composite team sa lahat ng apektadong lugar ng kamakailang malakas na lindol sa Cebu.

Binubuo ang koponan ng Pamahalaang Panlalawigan kasama ng mga structural engineers mula sa Cebu Institute Technological University (CIT-U).

Layunin ng teams na ito na matukoy ang mga pinsala sa mga pangunahing imprastruktura tulad ng kalsada, tulay, mga gusali, simbahan, at pampublikong pamilihan, upang magkaroon ng mas malinaw na larawan kung paano makabangon ang mga apektadong komunidad.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Dennis Francis Pastor, focal person ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, ibinahagi nito na bilang bahagi ng kanilang preparasyon, nagsagawa ng dalawang pagpupulong ang mga team upang mas mapaghandaan ang kanilang misyon.

Ayon kay Pastor, layunin nilang makuha ang tunay na kalagayan ng mga apektadong lugar upang maglatag ng mas konkretong plano para sa recovery at rehabilitasyon.

Sinabi pa niya na pagkatapos ng damage assessment at needs analysis, gagamitin ang mga resulta upang bumuo ng isang recovery plan, na magsisilbing gabay para sa mga hakbang na kinakailangan sa muling pagtatayo at pagpapalakas ng mga imprastruktura.

Ang mga plano ay i-validate din sa pamamagitan ng consultations sa mga lokal na pamahalaan at iba pang mga stakeholder upang matiyak ang pagiging epektibo nito.

Ang mga resulta ng assessment ay magbibigay ng malinaw na direksyon para sa mas mabilis at epektibong recovery sa mga apektadong lugar.

Inaasahan na sa loob ng ilang araw, mailalabas na ang draft ng early recovery plan, na magsisilbing basehan para sa mga susunod na hakbang ng gobyerno at iba pang mga ahensya na tututok sa rehabilitasyon.

Dagdag pa niya na habang isinasagawa ang damage assessment, magpapatuloy din ang mga relief operations para tiyakin na ang mga apektadong residente ay patuloy na mabibigyan ng pagkain, tubig, at mga pangunahing pangangailangan.

“We are moving to early recovery. And while we are going to early recovery, we still have to continue our relief operations – ending food, shelter, water, tents. We still have to continue this process,” saad ni Pastor.