Hinikayat ng Task Force Katotohanan, Katapatan at Katarungan (KKK) ang publiko na tumulong sa pagbabantay laban sa posibleng pagkalat ng mga pekeng impormasyon sa kasagsagan ng halalan.
Ang Task Force KKK ay unang binuo sa pangunguna ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center upang magbantay sa May 12 Elections at labanan ang paglaganap ng disinformation, misinformation, at online manipulation.
Apela ng task force sa publiko, itawag lamang ang mga namomonitor na maling impormasyon ukol sa halalan na ipinapakalat sa mga social media platform, upang agad ma-aksyunan.
Anumang video content o post na maaaring nagpapakita ng mga pekeng impormasyon ay maaaring isailalim sa validation at tuluyang ipatanggal sa social media upang maiwasan ang malawakang epekto nito.
Ang naturang task force ay may sariling threat monitoring center sa opisina ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center sa Quezon City.
Ito ay may state-of-the-art equipment na minamando ng mga keyboard warrior.
Maliban sa mga reklamong matatanggap, otomatiko ring nagbabantay ang mga ito sa mga posibleng kakalat na disinformation at misinformation sa panahon ng halalan.