Mariing sinagot ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela ang umano’y misleading o mapanlinlang at mapanulsol na pahayag ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga na kumakalat sa social media.
Sa isang statement sa kaniyang X account, sinabi ni Comm. Tarriela na mali at nakakasakit sa hanay ng kanilang mga tauhan ang akusasyon ni Barzaga na naglalayong ipinta ang Coast Guard bilang korap at sanhi umano ng banta ng World War III dahil sa mga operasyon nito sa West Philippine Sea.
Giit ng opisyal na ang kanilang presensya sa WPS ay bahagi ng mandato para protektahan ang soberenya, kaligtasan sa dagat, at kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino, hindi ito probokasyon laban sa ibang bansa.
Saad pa ng PCG official na maling sabihing militar ang PCG dahil ito ay nasa ilalim ng Department of Transportation, na may tungkuling tiyakin ang maritime safety at environmental protection.
Pinabulaanan din ni Comm. Tarriela ang paratang na nagbibigay ang PCG ng mataas na ranggo sa mga pulitiko at ipinaliwanag na ang PCG Auxiliary ay mga sibilyang boluntaryo lamang at walang kapangyarihang mag-utos sa operasyon.
Tinawag din niya na iresponsable at nakakainsulto ang panawagan ng mambabatas na buwagin ang PCG, dahil minamaliit umano nito ang sakripisyo ng 36,000 tauhan na nagsisilbi nang tapat at may dangal.
Sa huli, tiniyak ng PCG na mananatili itong tapat sa tungkulin, sa batas, at sa sambayanang Pilipino, at hinimok si Cong. Barzaga na bawiin ang kanyang mga pahayag at unawain nang tama ang mandato ng Philippine Coast Guard.















