-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Naging agaw atensiyon ang tangkang pagpapakamatay ng isang dalaga sa pamamagitan ng pag-akyat sa bubong ng kanyang pinagtatrabahuang tindahan sa Baligatan, Ilagan City .

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula sa katrabaho ng dalaga ay ilang buwan pa lamang umano nagta-trabaho sa nasabing tindahan sapagkat galing siya sa coastal town ng Divilacan, Isabela.

Problema sa pamilya at stress sa trabaho ang itinuturong pangunahing mga dahilan kung bakit nagawa ang tangkang pagpapakamatay ng dalaga.

Nauna nang nag-usap ang dalaga at kanyang mga magulang sa cellphone at doon napag-alaman ng dalaga na ayaw na umanong pumasok sa paaralan ang kanyang pinag-aaral na kapatid.

Problemado din umano ang dalaga dahil bukod sa halos 24 oras na pagta-trabaho sa tindahan ay may utang din umano siyang kailangan bayaran dahilan sa nasira nitong refrigerator.

Agad namang tumugon ang mga atoridad at ilang mga opisyales ng city government at nakumbinsi ang dalaga na bumaba mula sa bubungan ng bahay kalakal.

Tumagal ng ilang oras bago nakumbinsi sa dalaga na huwag magpakamatay at bumaba mula sa kanyang kinaroroonan.

Makikita sa eksklusibong video na kuha ng Bombo Radyo Cauayan na naturang dalaga ay nasa tuktok ng bubong na umagaw ng atensiyon ng mga mamamayang dumadaan sa kalsada.

Dinala naman ang dalaga sa City Social Welfare and Development Office upang isailalim sa pyschological test at stress debriefing.