Pinaulanan ng bala at hinagisan pa ng granada ng mga hindi pa nakikilalang mga armadong lalaki ang tanggapan ng Drug Enforcement Group ng Northen Police District sa Dagat-Dagatan, Caloocan City.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, ilan sa mga police personnel nito ang naka-duty nang mangyari ang naturang pamamaril ngunit wala namang napaulat na nasaktan mula sa naturang insidente.
Gayunpaman ay nasira ang ilang bahagi ng kanilang opisina partikular na ang hagdan sa labas nito.
Samantala, sa isang pahayag ay sinabi naman ni NPD director Police Brigadier General Rogelio Peñones na sa ngayon ay mayroon na silang tatlong persons-of-interest at anggulong paghihiganti ang nakikitang motibo ng mga ito nang dahil sa pagkakaaresto ng ilang kriminal mula sa ikinasang mga operasyon ng mga otoridad laban sa illegal drugs at high-value drug targets.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon at backtracking ng mga pulis hinggil sa nangyaring insidente upang alamin kung sino ang mga posibleng nasa likod ng nasabing pag-atake.