Opisyal ng isinasailalim ang buong lungsod ng Maynila sa ‘state of calamity’ kasunod ng mga pagbahang nararanasan dulot ng walang tigil na pag-ulan.
Sa isinagawang ‘special session’ ng konseho ng Maynila, kanilang napagkasunduan na maisakatuparan ang deklarasyon ngayong araw.
Layon nito na agarang magamit ng mga barangay sa lungsod ang kani-kanilang mga calamity fund upang makapgbigay tulong at karagdagang asiste sa mga nasasakupan.
Alinsunod din ito sa kahilingan ng kasalukuyang alkalde ng Maynila dahil sa hindi maitatangging epekto ng ulan sa lungsod.
Habang ikinasa naman ngayong araw ang tuloy-tuloy na ‘declogging operations’ sa mga drainage kasunod ng baha pa ring nararanasan.
Kung saan personal pang ininspeksyon ni Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso ang mga kalsadang lubog pa rin sa baha gaya ng Taft Avenue.
Sa kanyang pagdating sa bahagi ng labas ng Philippine General Hospital, sumalubong ang nasa ‘gutter deep level’ ng tubig baha dahil sa halos walang tigil na pag-ulan.
Kaya’t kanyang ibinahagi na ang pagsasagawa ng mga paglilinis sa kanal ay kanilang ipagpapatuloy pa mapahupa lamang ang baha.
Partikular kasi sa bahagi ng United Nations Avenue, Pedro Gil St, General Malvar St, hanggang sa bahagi ng Vito Cruz ay may mga naipong baha pa rin mula sa pagbuhos ng ulan.
Katuwang naman aniya rito ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA sa isinasagawang paglilinis sa mga drainage ng lungsod.
Habang pagtitiyak naman ni Mayor Isko Domagoso na ‘passable’ o maari ng madaanan ng iba’t ibang mga uri ng sasakyan ang mga kalsada sa Maynila na nalubog sa baha mula nitong mga nagdaang araw.