CAUAYAN CITY – Ipapaubaya na raw ng pamahalaan ng Pilipinas sa Taiwanese government ang proseso ng deportation sa isang Pinoy overseas worker na nagpost sa social media ng mga paninira kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III na pamahalaan ng Taiwan ang may sovereign authority sa pagpapa-deport ng foreign workers.
Nakausap na raw ng Philippine labor attache ang ilang opisyal ng Taiwan hinggil sa hakbang laban sa nasabing OFW.
Pinuntahan at nakausap na rin umano ng opisyal ang nasabing Pinoy na nangakong babawiin ang mga post, gayundin na hihingi ng tawad sa pangulo.
Sa kabila nito, nabatid ng mga opisyal na nagpost pa rin ang OFW sa hiwalay na social media account.
Dahil dito ay puwede raw kasuhan ang Pinoy ng cyber libel at paglabag sa Revised Penal Code hinggil sa sedition kapag dumating siya sa bansa.
Dagdag naman ni Sec. Bello, handa na ring pakawalan ng employer ang inaakusahang Pinoy employee.
Nagpaalala ang Labor secretary sa mga mamamayan lalo na sa mga OFW na ang constitutional right hinggil sa freedom of speech ay hindi absolute.
Ito ay may limitasyon at hindi dapat gamitin sa paninira sa kapwa lalo na sa pangulo ng bansa.