Bukas makipag-dayalogo ang Taiwan para pag-usapan ang kapayapaan sa rehiyon sa kabila ng tumitinding tensyon sa China.
Muling nanindigan si Taiwanese President Lai Ching-te kasabay ng panawagan para sa mas matatag na depensa ng isla.
Sa kanyang talumpati ngayong Martes sa Presidential Office sa Taipei, binigyang-diin ni Lai na ang kapayapaan ay walang presyo gayundin na wala umanong nanalo sa digmaan.
Bagamat nais ni Lai na kausapin ang China, paulit-ulit na itong tinanggihan ng Beijing kung saan tinuturing ng China si Lai bilang isang “separatist,” at patuloy na iginiit ang pag-angkin nito sa Taiwan na kanila umanong pag-aari.
Giit ni Lai, tanging mamamayan ng Taiwan ang may karapatang magpasya sa kanilang kinabukasan.
Ayon sa mga ulat, inaasahang maglulunsad muli ng military drills ang China bilang tugon sa anibersaryo ng panunungkulan ni Lai.
Kamakailan lang ay isinagawa ng China ang “Strait Thunder-2025A” war games, kasunod ng mga naunang exercises (Joint Sword-2024A” at Joint Sword-2024B).
Batay sa ulat ng Taiwan defense ministry, may anim na eroplanong militar at labing-isang barko ng China na na-detect malapit sa isla sa loob ng nakalipas na 24 oras.