-- Advertisements --

Nag-abiso ang Manila Electric Company (Meralco) sa lahat ng konsyumer nito na asahan ang pagtaas sa kanilang bill ng kuryente ngayong buwan ng Enero.

Matapos kasi ang sunod-sunbod na reductions noong 2020 ay inanunsyo ng Meralco na ang overall rates ay tataas ng P0.2744 per kilowatt-hour (kWh) ngayong buwan hanggang P8.7497 mula sa P8.4753 noong Disyembre ng nakaraang taon.

Katumbas umano ito ng halos P55 na pagtaas sa total bill ng mga residential customers na kumokonsumo ng 200 kWh.

Ang pagtaas sa singil ng kuryente ay dahil na rin daw sa mataas na generation charge na ngayon ay aabot na ng P4.4574 per kWh o P0.3058 na mas mataas kumpara sa generation charge noong Disyembre na nasa P4.1516 per kWh.

Bahagya namang bumaba ang power demand sa Luzon noong nakaraang buwan dahil sa naranasang malamig na temperatura at mas maraming non-working holidays kumpara noong Nobyembre.

Ayon pa sa Meralco, ang mababang demand ay nagbunsod sa pagtaas ng Power Supply Agreements at Independent Power Producers rates na umabot ng P0.2723 ay P0.2428 kada kWh.