KALIBO, Aklan—Inabisuhan ang mga mamamayan ng Israel na maging alerto sa maaaring ganti ng Yemen matapos na nasawi ang anim na katao at 86 na iba pang indibidwal ang sugatan sa air strike na ginawa ng Israel.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Melly Jean Novilla na kasalukuyang naninirahan sa Jerusalem, Israel na muli silang nangangamba sa kanilang kaligtasan dahil posible aniyang hindi titigil ang mga rebeldeng Houthi sa pag-atake sa Israel.
Sa katunayan aniya ay maya’t maya ang alingawngaw ng sirena hudyat na may papalit na missiles kung kaya’t alerto ang mga ito na pumapasok sa kanilang bomb shelter.
Sa kasalukuyan aniya ay wala pang naiulat na pinsala sa bahagi ng Israel sa pag-atake ng Houthi rebels.
Nabatid na ang Houthis, na kumokontrol sa malaking bahagi ng hilagang-kanlurang Yemen mula pa noong 2014, ay nagpakawala ng missiles laban sa Israel at mga barko sa Red Sea bilang suporta umano sa mga Palestino.