-- Advertisements --

Binigyang-diin ni dating Commission on Audit (COA) Commissioner Heidi Mendoza ang pangangailangan ng bawat government agencies na magkaroon ng sapat na kapangyarihan na bantayan ang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALNs) ng kanilang empleyado.

Katwiran ni Mendoza, taon-taong nagsusumite ang mga empleyado ng bawat ahensiya ng pamahalaan ng kanilang SALN.

Gayonpaman, matapos itong kulektahin ng mga opisina, walang malinaw na ‘instruction’ sa mga ahensiya na dapat bantayan at i-monitor ang mga ito; sa halip ay mistulang matatambak lamang ang mga naturang dokumento.

Ayon kay Mendoza, dapat ay magkaroon na kaagad ng kapangyarihan ang mga ahensiya ng pamahalaan na bantayan ang mga SALN at may akmang opisina na magsagawa ng trend analysis sa yaman ng mga empleyado.

Sa ganitong paraan, makikita aniya kung domuble o lumubo ang kayamanan ng isang empleyado, bagay na mas mabilis isagawa.

Maaari aniyang sa lebel pa lamang ng government agencies ay magkaroon na ng police power upang pasagutin ang mga empleyado kung bakit lumabis ang kanilang kayamanan kumpara sa kanilang sinasahod.

Ayon kay Mendoza, dapat ay bahagi ito ng responsibilidad ng mga ahensiya ng pamahalaan sa lahat ng mga empleyado at opisyal na nasasaklawan nito.