-- Advertisements --

Iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ngayong Linggo, Agosto 10, ang pagtaas ng seismic energy o RSAM (Real-time Seismic Amplitude Measurement) mula sa Bulkang Taal simula pa noong Sabado, Agosto 9.

Ayon sa advisory ng ahensya, 19 volcanic tremors ang naitala ng Taal Volcano Network, kasabay ng katamtaman hanggang sa malakas na pagbuga ng usok mula sa Main Crater nito.

Nitong Biyernes, Agosto 8, nagtala rin ang bulkan ng average na 374 tonelada ng sulfur dioxide kada araw.

Babala naman ng Phivolcs ang mabilis na maaaring humantong sa phreatic o minor phreatomagmatic eruption ang bulkan.

Nanatili naman sa Alert Level 1 ang Bulkang Taal, na nangangahulugang nasa abnormal na kondisyon na ito at hindi ligtas sa publiko.

Kung saan maaaring makaranas ng biglaang phreatic eruptions, pagsabog na may kasamang magma, pag-ulan ng abo, at nakakalason na usok mula sa bulkan.

Ibinabala naman ng ahensya ang pag-iwas na pumasok sa Taal Volcano Island, partikular sa paligid ng Main Crater at Daang Kastila fissure, na itinuturing na permanent danger zone.

Iwasan din ang paglipad sa ibabaw ng bulkan. Pinayuhan din ang mga local government units na maging handa at ipatupad ang mga mitigation plans kaugnay ng posibleng epekto ng volcanic gas sa komunidad.